NAGA CITY- Inabisuhan ng Land Transportation Office-Naga, ang mga nagbabalak bumiyahe patungong Masbate, Catanduanes, Visayas, at Mindanao sa pamamagitan ng mga kalsada sa Bicol Region partikular sa may bahagi ng Naga City na ipagpaliban muna dahil sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Pepito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Grace Rojas, Chief ng Land Transportation Office-Naga, sinabi nito na mataas umano ang tsansa na pansamantalang ipatigil ang biyahe para sa kaligtasan ng lahat.
Maliban dito, iniiwasan rin ng nasabing opisina ang anumang abala dulot ng posibilidad ng pagka-stranded ng mga sasakyan at pasahero dahil sa nasabing bagyo.
Maalala, nakapagtala ng maraming stranded na pasahero at mga sasakyan sa Naga City at ilang areas sa lalawigan ng Camarines Sur partikular sa may bahagi ng Milaor dahil na rin sa pagbahang dulot ng Bagyong Kristine.
Ayon pa kay Rojas, maagang nagpalabas ng Travel advisory ang kanilang opisina katulong ang LGU-Naga upang maiwasan ang malakihang problema kasabay ng Bagyong Pepito.
Dagdag pa ng opisyal, sa mga wala naman umanong mahalagang transakyon sa lungsod ng Naga manatili nalang sa kanilang mga bahay at maghanda sa paparating na Bagyo.
Samantala, kahapon, iniutos na rin ng LGU-Naga ang suspensyon ng klase sa lahat ng lebel maging ang suspension sa trabaho sa gobyerno at pribaodng sektor bilang paghahanda sa Bagyong Pepito.
Sa ngayon, hinikayat na lamang ni Rojas ang lahat na manatiling nakaantabay sa mga susunod na abiso mula sa mga mga kinauukulan.