Inihayag ni Atty. Gerville Luistro, chairman ng House Committee on Justice, na tila kinikilala na ng kampo ni Vice President Sara Duterte na aabot sa Senate trial ang impeachment case laban sa kanya, batay sa mga pahayag ng depensa na handa silang magpaliwanag sa Senado.

Ayon kay Luistro, ang pahayag ng kampo ni Duterte na sa Senado na lamang sila sasagot ay indikasyon na inaasahan nilang makakakuha ng finding of probable cause ang impeachment case mula sa komite.

Sinabi niya na mababa lamang ang threshold ng probable cause at hindi ito nangangahulugan ng hatol ng pagkakasala, kundi sapat na ebidensya para ituloy ang paglilitis.

Binigyang-diin din ni Luistro na hiwalay ang proseso ng impeachment sa restitution cases sa Commission on Audit, kung saan may mga notice of disallowance na umaabot sa ₱73 milyon noong 2022 at ₱375 milyon noong 2023 kaugnay ng confidential funds. Kapag naging pinal, aabot sa ₱448 milyon ang posibleng kailangang isauli.

Advertisement

Sa usapin ng umano’y unexplained wealth, binanggit niya ang ulat ng Anti-Money Laundering Council tungkol sa ₱6.7 bilyong transaksyon na hindi umano maipakita sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte. Ayon sa kanya, naglalabas ito ng isyu ng non-disclosure dahil karamihan ay cash transactions mula 2019 hanggang 2025.

Iginiit din ng kampo ni Duterte na bahagi ito ng deklarasyong “Others,” ngunit ayon kay Luistro, mas lalong pinatitibay nito ang pangangailangan ng cross-examination sa magiging trial.

Target ng komite na tapusin ang pagdinig sa Abril 29, kung saan inaasahan ding isusumite ng National Bureau of Investigation ang ulat kaugnay ng umano’y death threats. Pagkatapos nito, boboto ang komite kung may sapat na batayan para iakyat ang impeachment case sa Senado.

Advertisement