Inihayag ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro na lumampas na sa kinakailangang antas ng probable cause ang mga ebidensya laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng kinahaharap nitong impeachment complaints.
Ayon kay Luistro, chairperson ng House Committee on Justice, ipinakita sa pagdinig noong Miyerkules na ang malalaking bank transactions nina Duterte at ng kanyang asawa ay tila hindi tumutugma sa kanilang pinagsamang net worth.
Binanggit din niya ang umano’y hindi pagdedeklara ng Bise Presidente ng cash at bank deposits sa loob ng anim na taon, gayundin ang notices of disallowance ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President na umabot sa P448 milyon.
Aniya, ang mga ebidensyang ito ay nagsisilbing kumpirmasyon sa mga alegasyon sa dalawang impeachment complaints at maaaring sapat na batayan upang iakyat ang kaso sa plenaryo ng Kamara.
Gayunman, kinuwestiyon ni Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab ang mga numerong inilatag, partikular ang ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nagsasabing umabot sa P6.77 bilyon ang “suspicious” at “covered” transactions nina Duterte at ng kanyang asawang si Manases “Mans” Carpio mula 2006 hanggang 2025.
Ayon kay Ungab, dapat limitado lamang sa panahon ng panunungkulan ni Duterte bilang Bise Presidente ang pagsusuri, at kung 2022 hanggang 2026 ang pagbabatayan, nasa humigit-kumulang P63.8 milyon lamang ang halaga ng mga transaksyon.
Dagdag pa niya, ang AMLC report ay hindi patunay ng plunder o malversation kundi isang “investigative lead” lamang.
Samantala, iginiit naman ni House Justice Committee member at Manila 3rd District Rep. Joel Chua na hindi ang kabuuang halaga ang pangunahing isyu kundi ang hindi pagtutugma ng mga bank records sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte.
Ayon kay Chua, ipinakita ng AMLC report na may mga transaksyon mula 2019 hanggang 2024 na hindi tumutugma sa SALN ng Bise Presidente na nagsasabing wala siyang cash on hand o bank deposits.
Binigyang-diin niya na ang hindi pagdedeklara ng kahit anong halaga sa SALN, anuman ang laki nito, ay nagbubukas ng seryosong isyu sa transparency at full disclosure.
Patuloy ngayong tinutukoy ng House Committee on Justice kung may sapat na probable cause upang iakyat sa plenaryo ng Kamara ang impeachment complaint laban kay Duterte para sa botohan.














