NAGA CITY- Hindi na umano aabot hanggang sa katapusan ng taon ang pondo ng lungsod ng Naga kung sakaling palawigin pa ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Allen Reondanga, Chief of Office ng City Events, Protocol, and Public Information Office (CEPPIO)-Naga, kinumpirma nito na wala pang inaasahang ayuda ang lungsod mula sa pamahalaan.

Aniya, kung hindi mapapababa ang kaso ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa lungsod, posibleng hindi na kayanin ng lokal na pamahalaan na magbigay ng Social Amelioration Program dahil sa kakulangan na ng pondo.

Ayon pa kay Reondanga, malaki na ang ginastos ng lungsod pagdating sa COVID-19 related activities gaya na lamang sa border control, pagbili ng bakuna at gastos sa mga lockdown areas.

Ngunit, nilinaw naman ng opisyal na nakipag-uganayan na sila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay sa ibibigay na asistensiya kung sakaling manatili sa MECQ ang lungsod.

Sa likod nito, hangad na lamang ng opisyal ang disiplina at kooperasyon ng bawat isa upang mapababa na ang kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Maaalala na isinailalim sa MECQ ang lungsod noong nakaraang Miyerkules, Hunyo 16, 2021.