Naniniwala si Iloilo 3rd District Rep. Lorenz Defensor na nagkaroon ng negatibong epekto ang maagang pag-anunsyo ng kandidatura sa 2028 ni Bise Presidente Sara Duterte, kasabay ng hindi pagdalo ng kanyang kampo sa mga pagdinig ng House Committee on Justice.
Ayon kay Defensor, naging hamon sa mga mambabatas ang malakas na popularidad ng Bise Presidente sa simula ng proseso ng imbestigasyon. Gayunman, aniya, nagbago ang sitwasyon matapos hindi humarap ang kampo ni Duterte upang direktang sagutin ang mga alegasyon sa impeachment hearings.
Dagdag niya, ang kawalan ng paliwanag mula sa panig ng Bise Presidente ay nakaapekto sa pananaw ng ilang kongresista at nakabawas sa tinatawag na political pressure sa loob ng Kamara.
Kabilang sa mga reklamong kinakaharap ni VP Sara Duterte ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maayos na deklarasyon ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), unexplained wealth, at mga alegasyon ng pagbabanta laban sa Pangulo at iba pang opisyal ng gobyerno.
Sa huli, nagpasya ang House Committee on Justice na may “probable cause” ang mga reklamo at itinuloy ang impeachment proceedings laban sa Bise Presidente.














