Photo©web

NAGA CITY- Tiniyak ng Camarines Sur Electric Cooperative II na mayroong maayos na suplay ng kuryente sa mismong araw ng eleksyon sa lungsod ng Naga at lalawigan ng Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Rinner Bucay, spokersperson ng Casureco II, sinabi nito na sa kanilang isinagawang inspeksyon sa mga distribution line ng kanilang kooperatiba sa lalawigan at lungsod ng Naga wala namang nakitang malaking problema.

Ayon pa sa opisyal, sa mga nakalipas na araw marami na silang napuntahan na mga paaralan na pagdadausan ng botohan at kanilang napag-aralan na ang sitwasyon.

Malaki rin umanong tulong na ideneklarang Holiday ang Mayo 12 dahil mababawasan ang gumagamit ng kuryente lalo na ang mga nasa opisina. Ibig sabihin hindi masyadong ninipis ang nakareserbang suplay ng kuryente na kailangan sa panahon ng eleksyon.

Advertisement

Sa kabilang banda, hindi naman inaalis ng pamunuan ng Casureco II ang posibilidad na maranasan ang brown out lalo pa’t ang transmission line ng NGCP at distribution line ng Casureco 2 ay prone sa maraming mga possibilities. Maliban dito, maari rin umano ang pagkakaroon ng emergency shutdown ng mga planta.

Ngunit kasabay nito, tiniyak ni Bucay na may back up plan ang gobyerno upang hindi maranasan ang malawang black out lalo pa’t iniutos ni Presidente Ferdinand Marcos jr na hindi magkaka-aberya sa suplay ng kuryente sa Mayo 12.

Samantala, activated na ang Task Force election 2025 na siyang magbabantay sa eleksyon upang maiwasan ang power interrruption.

Advertisement