NAGA CITY – Sugatan ang mag-ama matapos magtagaan sa Brgy. Talisoy, Jomalig, Quezon.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nabatid na nag-inuman ang mag-amang sina Abner Santarosa Alcantara, 67-anyos at anak na si Robert Fuertiz Alcantara, 27-anyos sa coprahan sa naturang lugar.

Ngunit sa gitna ng inuman, nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan ang dalawa hanggang sa tinaga ni Robert ang kanyang ama gamit ang bolo.

Kaugnay nito, kumuha rin ng patalim si Abner at tinaga rin ang sariling anak.

Parehong nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mag-ama na agad namang isinugod sa ospital.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.