NAGA CITY- Patay ang magkapatid na menor de edad matapos malunod sa bayan ng Libmanan, CamSur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Chief Master Sergeant Juan Batolina, tapagsalita ng Libmanan MPS, sinabi nito na habang naglalaro ang magkapatid kasama ang isa pang batang babae sa ilog na sakop ng Barangay Mambayawas sa nasabing bayan nang bigla umanong hindi na makita ang biktima.

Kaagad na pinuntahan nang kasamahan ng mga biktima ang magulang ng mga ito na kaagad ring humingi ng tulong sa mga otoridad.

Kaugnay nito, mabilis na nagresponde ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction office ng Libmanan maging ang Libmanan MPS at nagsagawa ng search and rescue operation.

Umabot sa mahigit isang oras bago natagpuan ang katawan ng magkapatid na kaagad namang dinala sa ospital ngunit sa kasamaang palad ideneklarang dead on arrival ng mga doktor.

Batay sa imbestigasyon, marunong umanong lumangoy ang dalawa lalo pa’t nakatira ang mga ito malapit sa ilog ngunit pinaniniwalaan naman na napadpad sa pinakamalalim na bahagi ng ilog ang dalawa.

Maliban dito, sa mga pagkakataon umano na mayroong nalulunod at sinubukang sagipin ito hindi naiiwasan na magkaroon ng hilahan na nagreresulta upang pumailalim pa ang mga taong sangkot.

Sa ngayon, pinayuhan na lamang ni Batolina ang publiko lalo na ang mga magulang na palagiang bantayan ang kanilang mga anak upang hindi mauwi sa kahalintulad na pangyayari.