NAGA CITY – Tinitingnan ngayon bilang suspetsado sa nangyaring pananaga sa isang lalaki sa barangay Sumaoy, Garchitorena, Camarines Sur ang magkapatid na huling nakitang kasama nitong nag-iinuman bago matagpuan ang wala ng buhay na katawan ng biktima.
Mababatid, noong Pebrero 5, 2023 nang matagpuan ang katawan ni Jovie Tablizo, 42-anyos, residente ng nasabing lugar, na wala nang buhay, puno ng taga habang naliligo pa sa sariling dugo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Allan Lopez, Officer In Charge ng Garchitorena Municipal Police Station, sinabi nito na posible umanong nagkaroon ng mainit na diskusyon ang biktima at ang magkapatid na sina Darwin at Ramon De Guzman, na nauwi sa pananaga ng mga ito sa biktima.
Mababatid na ang nasabing mga suspetsado ang huling nakitang kasama ni Tablizo.
Samantala, Pebrero 5 naman ng madaling araw ng magrenta ng bangka at umalis ang nasabing magkapatid patungo sa Barangay Tamban, Tinambac, Camarines Sur.
Sa ngayon nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad lalo na ang pagtukoy sa posibleng kinaroroonan ng mga suspetsado na mahaharap sa kasong murder.