Niyanig ng magnitude 6.3 na lindol ang hilagang bahagi ng Japan nitong Biyernes ng gabi, ayon sa Japan Meteorological Agency (JMA).
Naitala ang pagyanig bandang alas-8:22 ng gabi sa karagatang malapit sa hilagang Miyagi Prefecture.
Walang inilabas na tsunami warning at wala ring agad na ulat ng pinsala matapos ang lindol.
Ang naturang pagyanig ay kasunod ng mas malakas na magnitude 7.7 na lindol na tumama rin sa parehong rehiyon noong Abril.
Nagbabala ang JMA na posible pa rin ang mas malalakas na pagyanig sa lugar, kahit na naalis na ang naunang earthquake advisory.
Samantala, iniulat ng state broadcaster na NHK na walang naitalang abnormalidad sa mga nuclear power plant sa Miyagi at kalapit na Fukushima Prefecture.
Dahil sa lindol, pansamantalang ipinatigil ang operasyon ng Shinkansen bullet trains, ayon sa East Japan Railway.
Matatagpuan ang Japan sa tinatawag na Pacific “Ring of Fire,” kaya’t madalas itong tamaan ng lindol.














