NAGA CITY- Patay ang isang magsasaka matapos mabangga ng isang motorsiklo sa Sitio Dagmit, Brgy. Vigo Central, San Narciso, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Emanuel Areada, 64-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabaybay ng motorsiklo na minamaneho ni Dexter Gonzales, 27-anyos, residente ng Brgy. Bukal, Buenavista sa nasabing probinsya kasama ang kaniyang back rider na si Floriano Regalario Jr ang direksyon papuntang San Andres, Quezon nang bigla nalang tumawid ang biktima dahilan para mabangga ito ng motorsiklo.

Dahil sa nangyari, nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan ang biktima at ang mga lulan ng motorsiklo na agad namang dinala sa hospital para sa asistensya medikal. Subalit, makaraan ang isang oras, tuloyan ng binawian ng buhay si Areada.

Sa ngunyan, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa nasabing insidente.