NAGA CITY- Patay ang isang magsasaka matapos na barilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Candelaria, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Henry Mendoza, 42-anyos, residente ng Brgy Pahinga Sur sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang lulan ng kanyang motorsiklo ang biktima at binabagtas ang kahabaan ng Brgy Road ng Sitio Ibaba vicinity ng Brgy Kinatihan 2, papunta sa Brgy Pahinga Sur sa nasabing bayan ng bigla na lamang dumating ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek at barilin si Mendoza sa ulo na naging dahilan sa agaran nitong kamatayan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, lumalabas na matapos ang insidente kaagad naman na tumakas ang dalawang suspek sa hindi pa malaman na deriksyon.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad gayundin ang pag-alam sa pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga suspek.