NAGA CITY- Patay ang isang magsasaka matapos ang karambola ng mga sasakyan sa Sariaya, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Rolando, 61, residente ng Brgy. Lutucan Bata, sa nasabing bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na habang tatawid ang biktima sa intersection sa kanto ng Gen.Luna Gala street ng Maharlika highway ng Brgy. Poblacion 4, gamit ang minamanehong motorsiklo nang mabangga ng Nissan Navara na minamaneho rin ni Alyas Lorenz, 20-anyos, estudyante at residente ng Brgy. Isabang Tayabas City na tumatawid sa southbound direction ng nasabing kalsada.
Dahil sa lakas ng impact, bumangga ang motorsiklo sa dalawang sasakyan na minamaneho ni alyas Vil, 39, residente ng Brgy. San Vicente, Biñan, Laguna, at Alias Ronald, 40, residente rin ng Brgy. Masalukot 1, Candelaria na binaybay din ang parehong direksyon.
Samantala, isinugod sa ospital si Rolando para sa tulong medikal ngunit binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa insidente.