NAGA CITY – Sugatan ang isang magsasaka matapos na pagtatagain ng kapwa magsasaka sa Tinambac, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Joey Dacpano, residente ng Zone 3, Caloco sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), nabatid na armado ng bolo ang suspek na kinilala naman na si Jerome Calleja, 25-anyos nang lumapit ito kay Dacpano.

Dito na rin biglang pinagtataga ni Calleja si Dacpano sa hindi pa nalalaman na dahilan.

Dahil dito, nagtamo ng tama sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan si Dacpano na agad naman dinala sa ospital para sa asistensiya medikal.

Samantala, nagawa naman na makatakas ng nasabing suspek matapos ang insidente ngunit kinalaunan ay nadakip rin ito ng mga awtoridad.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Tinambac Municipal Police Station si Calleja para sa karampatang disposisyon.