NAGA CITY – Sugatan ang isang magsasaka matapos na pagtatagain sa Caramoan, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Christopher Sarmiento, 30-anyos, residente ng Barangay Oroc-osoc sa nasabing bayan.

Sa nakalap impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), napag-alaman na nagkaroon ng mainit na argumento ang biktima at ang suspek na kinilalang si Ricky Sueno, 28-anyos, hinggil sa matagal nitong galit.

Ito rin ang nag-udyok sa suspek para kunin ang kaniyang bolo at pinagtataga si Sarmiento.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na dahil sa insidente, nagtamo ng mga sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na agad naman na dinala sa ospital para sa asistensya medikal.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad, lalo na sa posibleng pagtunton kay Sueno na agad naman na tumakas matapos ang nasabing insidente.