Umabot na sa mahigit ₱117 milyong halaga ng humanitarian assistance ang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang naapektuhan ng patuloy na pag-aalboroto ng Mayon Volcano sa Albay, ayon sa ahensya nitong Lunes, Mayo 4.

Ayon sa DSWD, kabilang sa mga naipamahaging ayuda ang family food packs, non-food items, psychosocial interventions, cash-for-work (CFW), at emergency cash transfer (ECT) para sa mga internally displaced persons (IDPs).

Sinabi ni DSWD Assistant Secretary at spokesperson Irene Dumlao na inatasan ni Secretary Rex Gatchalian ang agarang replenishment ng food packs sa mga warehouse upang matiyak ang sapat na suplay para sa patuloy na pangangailangan ng mga apektadong pamilya.

“UtOS ito ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tutukan ang Bicol Region at tiyakin ang sapat na resources,” ani Dumlao.

Advertisement

Batay sa pinakahuling datos hanggang Mayo 3, 6 p.m., nakapagbigay na ang ahensya ng 71,153 family food packs, 7,634 non-food items, at 1,402 ready-to-eat food packs sa mga apektadong pamilya.

Umabot na rin sa higit ₱45 milyon ang cash assistance na naipamahagi sa 3,487 magsasaka at IDPs na naapektuhan ng aktibidad ng bulkan, sa ilalim ng cash-for-work program.

Ayon sa DSWD, layunin nitong matulungan ang mga evacuee na patuloy na makapaghanapbuhay sa kabila ng kanilang pansamantalang paglikas.

Tinatayang 1,444 pamilya o 5,459 indibidwal ang kasalukuyang nasa 14 evacuation centers sa Albay, kung saan patuloy na mino-monitor ang kanilang kalagayan kasama ang mga lokal na pamahalaan.

Sinabi rin ng ahensya na sinisiguro ang sapat na bentilasyon at cooling areas sa evacuation centers upang maiwasan ang heat exhaustion at iba pang sakit sa gitna ng mainit na panahon habang nananatili ang alerto sa Mayon Volcano.

Advertisement