Mahigit isang milyong Grade 11 students sa buong bansa ang nahihirapang unawain ang kanilang binabasa, ayon sa report ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2.
Batay sa isinagawang Senior High School literacy assessment ng Department of Education o DepEd noong Marso 2026, lumabas na 1.3 milyon sa 1.4 milyong Grade 11 students ang may problema sa reading comprehension.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni EDCOM 2 Executive Director Simoun Antonio Salinas na 12 percent lamang ng mga Grade 11 students ang maituturing na independent learners o mga estudyanteng kayang lubos na maunawaan ang kanilang binabasa.
Ayon pa sa pag-aaral, halos anim sa bawat sampung estudyante ang nasa frustration level o pinakamababang antas ng literacy kung saan hirap silang maintindihan ang binabasang teksto.
Samantala, halos tatlo naman sa bawat sampung mag-aaral ang nasa instructional level na nangangailangan pa ng gabay mula sa guro upang maunawaan ang kanilang binabasa.
Sinisi naman ng ACT Teachers Party-list ang umano’y sistematikong problema sa education system partikular ang polisiya ng mass promotion kung saan naipapasa umano ang ilang estudyante kahit hindi pa handa.
Ayon pa sa EDCOM 2, hindi lamang Grade 11 students ang apektado dahil nasa 40 percent din ng mga mag-aaral sa lahat ng grade levels ang hirap pa rin sa reading comprehension.
Samantala, tiniyak ni Education Secretary Sonny Angara na palalakasin ng DepEd ang teacher training upang mapaigting ang comprehension skills ng mga estudyante at hindi lamang memorization.














