Lumobo na sa mahigit 1,000 katao ang bilang ng mga nasawi sa Lebanon matapos ang nagpapatuloy na pag-atake ng Israel, ayon sa ulat ng Health Ministry ng bansa.
Kinumpirma ng Health Ministry ng Lebanon na umabot na sa 1,094 ang kabuuang bilang ng mga nasawi mula nang simulan ng Israel ang opensiba noong Marso 2. Bukod dito, aabot naman sa 3,119 ang naitalang sugatan dulot ng mga pag-atake.
Hindi pa kabilang sa nasabing bilang ang panibagong 22 katao na nasawi at 153 na sugatan sa pinakahuling insidente, na patuloy pang biniberipika ng mga awtoridad.
Magugunitang isinagawa ng Israel ang mga pag-atake bilang bahagi ng pagtugis nito sa mga kuta ng ilang militanteng grupo sa Lebanon na umano’y may kaugnayan at nakikipag-alyansa sa Iran.
Sa kasalukuyan, nananatiling tensyonado ang sitwasyon sa rehiyon habang patuloy ang operasyon militar at lumalaki ang pangamba sa mas malawak na sigalot.














