Mahigit 17,000 sundalo mula sa pitong bansa ang inaasahang lalahok sa 2026 “Balikatan” exercises na gaganapin mula Abril 20 hanggang Mayo 9, sa isa sa pinakamalaki at pinaka-komplikadong edisyon ng taunang military drills.

Ayon kay Philippine “Balikatan” spokesperson Marine Col. Dennis Hernandez, nasa “17,000 plus” ang kasalukuyang bilang ng mga kalahok, ngunit maaari pa itong magbago depende sa pinal na commitments ng mga bansang kalahok.

Kabilang sa mga bansa na sasali ang Pilipinas, Estados Unidos, Australia, Japan, Canada, France, at New Zealand.

Sinabi ng mga opisyal na sasaklawin ng pagsasanay ang air, land, maritime, at cyber domains, habang patuloy na pinalalawak ang saklaw ng Balikatan mula sa tradisyunal na bilateral exercise tungo sa mas malawak na multinational cooperation.

Advertisement

Kabilang sa mga aktibidad ang maritime operations, integrated air and missile defense, counter-landing live-fire exercises, at humanitarian assistance missions.

Makikilahok din ang Japan sa live-fire drills sa unang pagkakataon, kabilang ang ship-sinking exercise gamit ang Type 88 surface-to-ship missile, na itinuturing na mahalagang hakbang sa mas malalim na defense cooperation.

Isinasagawa ang pinalawak na military exercise sa gitna ng patuloy na tensyon sa South China Sea, bagamat iginiit ng mga opisyal ng Pilipinas na hindi ito nakatutok sa anumang partikular na bansa.

Advertisement