Aabot na sa 425 gasolinahan sa bansa ang nagsara ng operasyon bunsod ng kakulangan sa suplay ng krudo, ayon sa Philippine National Police (PNP), sa gitna ng umiiral na state of national energy emergency.

Sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño na napilitan ang maraming gasolinahan na itigil ang operasyon dahil sa pagkaubos ng kanilang suplay ng langis.

Batay sa monitoring ng Municipal Price Coordinating Council (MPCC), marami sa mga establisimyento ang tuluyan nang naubusan ng stock ng krudo.

Pinakamaraming pagsasara ang naitala sa Cordillera Administrative Region na may 79 na gasolinahan, sinundan ng Central Luzon na may 46, at Eastern Visayas na may 44.

Advertisement

Sa National Capital Region (NCR), apat na gasolinahan ang nagsara dahil sa iba’t ibang dahilan tulad ng pagtatapos ng kontrata, kakulangan ng suplay, at tuluyang pagkaubos nito.

Ayon sa PNP, naisumite na sa Department of Energy (DOE) ang listahan ng mga nagsarang gasolinahan upang agarang matugunan ang problema sa suplay.

Patuloy naman ang pagbabantay ng pamahalaan upang matiyak ang sapat na distribusyon ng langis at maiwasan ang mas malawak na epekto nito sa ekonomiya at transportasyon sa bansa.

Advertisement