Nakapagtala na ng pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan sa bansa ngayong Miyerkules Santo, Abril 1, 2026, ayon sa monitoring ng Philippine Coast Guard, sa pagsisimula ng pagbiyahe pauwi ng marami para sa Semana Santa.
Hanggang umaga ng Miyerkules Santo, nakapagtala ang PCG ng 22,135 outbound passengers at 22,503 inbound travelers, na kabuuang mahigit 44,000 pasahero sa mga pantalan sa bansa.
Sa Martes Santo, nakapagtala naman ang mga awtoridad ng 186,952 outbound passengers at 152,492 inbound travelers, o halos 340,000 pasahero sa kabuuan.
Ayon sa pagtaya ng Philippine Ports Authority, inaasahang aabot sa 2.46 milyon ang kabuuang bilang ng mga pasahero mula Marso 29 hanggang Abril 15, mas mataas kumpara sa 2.41 milyong pasahero noong nakaraang taon.
Kadalasang tumataas ang bilang ng mga pasahero tuwing Miyerkules Santo, kasabay ng pagsisimulang pagbiyahe bago ang Huwebes Santo at Biyernes Santo.
Patuloy na naka-heightened alert ang lahat ng distrito, stations, at sub-stations ng PCG hanggang Abril 5, 2026 upang masiguro ang maayos na daloy ng mga pasahero sa mga pantalan.














