NAGA CITY – Mahigit P1-M na halaga ng pinaniniwalaang shabu ang narekober sa bowl tank ng CR ng isang fast food chain sa lungsod ng Naga.

Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni PSMSgt. Toby Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police Office (NCPO), napag-alaman na hindi umano ma-i-flush ang isa sa mga toilet bowl ng CR nang nasabing fast food chain.

Dagdag pa nito na agad naman itong ipinaalam ng maintenance staff sa kanilang chief manager.

Ayon pa sa opisyal, habang nagsasagawa ng inspeksyon, dito naman nakita ang plastic na mayroong laman ng nasabing iligal na droga.

Advertisement

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na tinatayang mayroong bigat na 150 grams at nagkakahalaga ng nasa P1,020,000.00 ang nasabing ipinagbabawal na gamot.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.

Advertisement