NAGA CITY- Mahigit sa P2-M ang halaga ng pinaniniwalaang shabu na nakumpiska sa isang drug personality sa Candelaria, Quezon.

Kinilala ang suspek na si Arnold Maligalig Ona, 42-anyos.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nabatid na nahuli su Ona sa buy bust operation na isinagawa sa Purok 4, Brgy. Mangilag Sur sa nasabing bayan.

Narekober dito ang P2,000 na ginamit bilang marked money, isang coin purse na may tatlong pirasong sachet ng pinaniniwalaang shabu at dalawang zip lock transparent plastic na may laman pang iligal na droga.

Umabot sa halos 103.23 grams ang bigat ng naturang droga na tinatayang nasa ₱2.1-M ang street value.

Nabatid na una nang naaresto si Ona sa kaparehong iligal na gawain.

Sa ngayon, nananatili na sa kustodiya ng mga otoridad ang suspek habang hinahanda na ang kasong isasampa laban dito.