NAGA CITY- Tinatayang aabot sa mahigit P200,000 na halaga ng pinaniniwalaang shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa dalawang suspek sa isinagawang buy bust operation sa Lucena City.
Kinilala ang mga suspek na sina Joseph Lagos Real, 51-anyos, at si Loreiliza Andaya Berba, 41-anyos, kapwa residente ng Mariposa Purok 2, Barangay Dalahican, sa nasabing lungsod.
Sa nakalap impormasyon na Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alaman na nasamsam sa mga suspek ang nasa 12 sachet ng pinaniniwalaang shabu gamit ang P500 peso bill na buy bust money at mga drug paraphernalia.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na ang nasabing iligal na droga ay tinatayang may timbang na nasa 30 gramo na nagkakahalaga ng P204,000.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga suspek habang inihahanda naman ang kasong isasampa laban dito.