NAGA CITY- Tinatayang aabot sa mahigit P37,000 na halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang suspek sa ginawang buy bust operation sa Barangay 1, Lucena City.

Kinilala ang suspek na si Jay Alas Mendioro, 46-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na nabili ng umaktong poseur buyer sa suspek ang isang pakete ng hinihinalang shabu gamit ang P500 bilang buy bust money.

Maliban sa buy bust item, nakumpiska pa sa suspek ang limang piraso ng pinagbabawal na gamot na aabot sa 1.82 grams at nagkakahalaga naman ng humigit-kumulang P37,128.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa kaukulang disposisyon.