photo © web

Iginiit ng Malacañang na kailangan pang pag-aralang mabuti ang panukalang fuel price freeze upang mapanatili ang balanse sa pagitan ng mga konsyumer at oil companies, kasabay ng sunod-sunod na linggo ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Ayon kay Communications Secretary Claire Castro, hindi maaaring kumilos ang pamahalaan nang maaaring maapektuhan ang sektor ng langis “para lamang sa optics.” Nilinaw niya na patuloy na sinusuri ang posibleng antas ng bawas sa excise tax at iba pang hakbang upang mapababa ang presyo habang hindi pa ganap na naipatutupad ang Republic Act No. 12316 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa ilalim ng batas, maaari lamang suspindihin o bawasan ang excise tax kung ang average na presyo ng Dubai crude oil ay umabot sa $80 kada bariles, at limitado sa tatlong buwan. Ipinapakita ng mga analyst na maaaring mawalan ang gobyerno ng daan-daang bilyong piso kung tuluyang ipapatupad ang suspensyon.

Iminungkahi naman ng ilang oil industry players ang pagtanggal ng value-added tax (VAT) sa petroleum products upang mabilis maramdaman ng publiko ang pagbaba ng presyo, subalit ayon sa Department of Finance, posibleng ipasa ng mga kumpanya ang epekto ng VAT adjustments sa presyo.

Advertisement

Patuloy na hinahanap ng pamahalaan ang pinakamainam na balanse upang mapagaan ang pasanin ng mga konsyumer nang hindi naaapektuhan ang sektor ng enerhiya, sa ilalim ng kapangyarihan ng Pangulo at Department of Energy sa panahon ng national energy emergency.

Advertisement