Nilinaw ng Malacañang na wala pang pangangailangan na magdeklara ng state of national emergency kaugnay ng tumataas na presyo ng langis, dahil nananatiling kontrolado umano ang sitwasyon sa bansa.
Iginiit ng Malacañang na hindi pa kinakailangan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gamitin ang emergency powers upang mangasiwa sa industriya ng langis, sa kabila ng pagtaas ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Sa isang press briefing, sinabi ni Claire Castro na nasa kontrol pa rin ng pamahalaan ang sitwasyon at patuloy itong binabantayan.
Ayon sa kanya, mahigpit na nakikipag-ugnayan ang Department of Energy sa mga kumpanya ng langis upang masigurong sapat ang suplay at maayos ang galaw ng presyo sa merkado.
Ang pahayag ay kasunod ng panawagan ni Raymond Democrito Mendoza na pag-isipan ang pagdedeklara ng national emergency upang mabigyan ang gobyerno ng kapangyarihang pansamantalang kontrolin ang operasyon ng oil companies sa ilalim ng Oil Deregulation Law.
Gayunman, iginiit ng Malacañang na hindi pa umaabot sa ganitong antas ang sitwasyon, at hinimok ang publiko na iwasan ang pagpapakalat ng takot o “fear mongering.”
Dagdag pa ni Castro, patuloy na pinag-aaralan ng administrasyon ang iba pang hakbang upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, kabilang ang posibleng pagbabago sa buwis ng petroleum products na kasalukuyang tinatalakay sa Kongreso.
Samantala, nasa mga mambabatas na rin ang desisyon kung aamyendahan o tuluyang babaguhin ang umiiral na batas sa industriya ng langis, at tiniyak ng Malacañang na susuportahan ng Pangulo ang anumang hakbang na makabubuti sa bansa.














