Hinikayat ng Malacañang ang publiko na personal na subaybayan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at bumuo ng sariling pananaw batay sa mga ebidensyang ihaharap sa pagdinig.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hindi tungkulin ng Ehekutibo na husgahan o panghimasukan ang proseso ng impeachment dahil nasa Senado ang hurisdiksiyon nito.
Ani Castro, mahalagang ang taumbayan mismo ang magsuri sa mga pangyayari sa pagdinig at magpasya batay sa mga inilalahad na ebidensya.
Binigyang-diin din ng Malacañang na ang pangunahing hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay matiyak na nasusunod ang batas at ang due process sa buong impeachment proceedings.
Sa kasalukuyan, sinabi ng Palasyo na maayos naman ang takbo ng mga pagdinig sa Senado.














