Iginiit ng Malacañang na walang kakaiba sa pagbibigay ng travel authority kahit isang araw bago ang aktuwal na biyahe ng isang opisyal ng gobyerno.

Ayon kay Acting Executive Secretary Ralph Recto, karaniwan lamang na mailabas ang travel authority isang araw bago ang nakatakdang pag-alis dahil sa dami ng mga request na pinoproseso ng pamahalaan.

Pahayag ito kasunod ng sinabi ni Vice President Sara Duterte na ang kanyang travel request ay inaprubahan umano nang “last minute.” Gayunman, itinanggi ng Malacañang ang naturang pahayag at iginiit na normal lamang ang ganitong proseso.

Nauna nang pinayagan ang Bise Presidente na bumiyahe sa ibang bansa mula Abril 23 hanggang Mayo 16, 2026, batay sa travel authority na may petsang Abril 22 at nilagdaan ni Recto. Kabilang sa mga bansang nakasaad sa kanyang itinerary ang Netherlands, Republic of Korea, Belgium, Germany, at United Kingdom, habang siya ay naka-leave of absence at walang gagastusin ang pamahalaan.

Advertisement

Gayunpaman, nagbago ng plano si Duterte at hindi na itinuloy ang kanyang biyahe dahil sa umano’y kawalan ng kasiguraduhan kung maaaprubahan ang kanyang pag-alis sa bansa.

Sa kabila nito, muling binigyang-diin ng Malacañang na walang iregularidad sa proseso ng pag-apruba ng travel authority at bahagi ito ng normal na operasyon ng gobyerno.

Advertisement