Mariing itinanggi ng Malacañang ang alegasyong isinusulong ng administrasyon ang Charter change sa pamamagitan ng constituent assembly o con-ass, kasunod ng mga paratang na inilahad ni Senadora Imee Marcos sa Senado.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, posibleng layunin lamang umano ng isyu na ilihis ang atensyon ng publiko mula sa iba pang kontrobersiya tulad ng nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at pagkawala sa publiko ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

“This is not a Palace statement. On my part, bilang isang ordinaryong Pilipino, iyon ang nakikita ko na nais nilang pagtakpan,” ani Castro sa panayam sa Super Radyo dzBB.

Nilinaw rin niya na hindi isinusulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Charter change at hindi umano ito kabilang sa mga pinag-uusapan sa mga pagpupulong sa Malacañang.

Advertisement

Ayon kay Castro, nakatuon ang Pangulo sa iba pang mahahalagang usapin gaya ng El Niño at iba pang suliranin ng bansa.

“Kapag kami ay nagme-meeting, ni hindi ‘yan napag-uusapan,” dagdag niya.

Matatandaang noong Lunes ay nagpakita si Senadora Imee Marcos ng video presentation sa plenary session ng Senado na naglalaman umano ng mga alegasyon na may mga nagtutulak ng Charter change at term extension sa pamamagitan ng constituent assembly.

Umani ito ng pagtutol mula sa ilang senador kabilang si Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri na humiling na alisin ang video sa Senate record at tinawag itong propaganda.

Sinuportahan naman ng ilang mambabatas ang mosyon ni Zubiri, bagamat tinutulan ito ni Senador Rodante Marcoleta.

Nanawagan din si Castro sa publiko na huwag agad mabahala sa mga naturang alegasyon hangga’t walang malinaw na hakbang o opisyal na panukala hinggil sa Charter change.

Samantala, sinabi rin ni Castro na hindi makikialam ang Malacañang sa usapin ng Senado ngunit umaasa itong hindi maaapektuhan ng mga sigalot pampulitika ang mga priority bills ng administrasyon.

“Ang maganda lang dito na maipanawagan, kahit ano pang nangyayari diyan, sana wag maapektuhan ang mga priority bills na gusto ng Pangulo na maipatupad,” ani Castro.

Advertisement