Magkakaloob ang Palasyo ng Malacañang ng tig-₱100,000 na tulong pinansyal sa dalawang miyembro ng Philippine Navy na nasugatan sa insidente sa Ayungin Shoal.
Ayon sa Malacañang, ang ayuda ay bilang pagkilala sa sakripisyo at dedikasyon ng mga sundalo na nasugatan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa pinag-aagawang bahagi ng West Philippine Sea.
Hindi pa isinapubliko ng Palasyo ang pagkakakilanlan ng dalawang Navy personnel at ang eksaktong detalye ng kanilang mga pinsala. Gayunman, tiniyak ng pamahalaan na patuloy silang bibigyan ng kinakailangang suporta at tulong habang nagpapagaling.
Nauna nang iniulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na isang miyembro ng Philippine Navy ang nagtamo ng sugat sa ulo matapos umanong hampasin ng baton na yari sa kahoy sa kasagsagan ng insidente.
Nag-ugat ang insidente sa patuloy na paninindigan ng Pilipinas sa pagprotekta sa karapatan at soberanya nito sa bahagi ng West Philippine Sea na sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Samantala, mariing itinanggi ng China Coast Guard (CCG) ang naturang alegasyon. Iginiit ng CCG na ang mga tauhan umano ng Pilipinas ang unang gumamit ng mga sagwan bilang sandata upang hampasin ang kanilang mga personnel.














