Ipinahayag ng Malacañang na maglalabas ng executive order si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang ipatupad ang price cap na P50 kada kilo para sa imported na well-milled rice, kasunod ng pulong ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food and Transport Committee.

Ayon sa Pangulo, ang hakbang na ito ay bahagi ng pagpapalawak sa umiiral na P20/kilo na programa ng pamahalaan para sa bigas. Sa kasalukuyan, mayroon nang 627 distribution centers sa buong bansa, at tumaas ang suplay mula 600 tonelada hanggang 2,000 tonelada upang matugunan ang lumalaking demand.

Batay sa rekomendasyon ng National Price Coordinating Council, ang hakbang na ito ay naglalayong masiguro ang katatagan ng presyo ng pangunahing bilihin. Tiniyak ng Pangulo na mananatili sa suggested retail price ang presyo ng mga pangunahing bilihin, kabilang ang bigas, at patuloy na nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga manufacturer at retailer upang hindi muna taasan ang presyo hanggang sa susunod na buwan.

Kasabay nito, nilagdaan ni Marcos ang Executive Order No. 110 na nagdedeklara ng state of national energy emergency dahil sa tensyon sa Middle East. Sa ilalim nito, may kapangyarihan ang Pangulo na magpatupad ng hakbang para sa fuel at energy allocation at ipatibay ang UPLIFT bilang framework para sa koordinadong pagtugon sa mga suliranin sa kabuhayan, industriya, pagkain, at transportasyon.

Advertisement
Advertisement