Hinimok ng Malacañang si Vice President Sara Duterte na harapin ang mga paratang laban sa kanya kasunod ng pagbubukas ng Senate impeachment court na siyang tutalakay sa mga kasong inihain laban sa Bise Presidente.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, makabubuting harapin ni Duterte ang mga alegasyon kung tunay umano itong nagsusulong ng transparency at accountability sa pamahalaan.

“Si Bise Presidente naman ay nagsusulong ‘di umano ng transparency and accountability. Kung naniniwala siya sa transparency at accountability, harapin niya po ‘yung mga ibinibintang at inaakusa sa kanya,” pahayag ni Castro sa isang panayam.

Kasunod ito ng pormal na pagbubukas ng Senado bilang impeachment court nitong Lunes upang dinggin ang kaso laban kay Duterte, kaugnay ng umano’y culpable violation of the 1987 Constitution, graft and corruption, at betrayal of public trust.

Advertisement

Naganap ang pagdinig ilang araw matapos ang impeachment ng House of Representatives laban sa Bise Presidente sa botong 257–25, ang ikalawang beses na siya ay na-impeach.

Matapos ang pag-convene ng impeachment court at panunumpa ng mga senator-judges, sinabi ni Senate President Alan Peter Cayetano na maglalabas ng writ of summons laban kay Duterte.

Inaatasan ang Bise Presidente na magsumite ng sagot sa loob ng 10 araw at humarap sa Senado “upon notice.” Samantala, tiniyak naman ng kampo ni Duterte na tutugon sila sa summons at maghahain ng kanilang sagot sa kaso.

Advertisement