NAGA CITY – Hindi umano malayong maranasan din sa Pilipinas ang nangyaring malakas na pagyanig sa Turkey.
Ito ay kasunod ng naitala ring lindol sa lalawigan ng Camarines Norte kagabi, Pebrero 7, 2023.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Paul Alanis, Mayon Volcano Observatory Resident, nilinaw nito na magnitude 4.6 at hindi magnitude 5.1 ang naramdaman na lindol sa Vinzons sa naturang lalawigan.
Kaugnay nito, wala na umanong naitalang aftershocks kasunod ng nasabing pagyanig ngunit hindi nila inaalis ang posibilidad ng pagkakaroon ng aftershocks sa tuwing nagkakaroon ng lindol.
Dagdag pa ni Alanis, naranasan din sa ibang lalawigan ang naturang pagyanig gaya na lamang sa Camarines Sur, Albay at Sorsogon.
Mababatid na una nang nagpatupad ng class suspension si Camarines Norte Governor Ricarte Padilla sa buong lalawigan upang mabigyang daan ang mga isasagawang monitoring at inspeksyon sa mga paaralan.
Kung maaalala, noon lamang Enero 17 ngayong taon ng yanigin naman ng magnitude 5.3 na lindol ang nasabing bayan kung saan nag-iwan ito ng mga cracks sa mga establishemento at mga silid aralan sa nasabing bayan.
Sa ngayon, binigyang diin na lamang nito ang halaga ng pagsunod sa building codes sa pagpapatayo ng mga establisyemento, paglahok sa mga earthquake drills at ang duck, cover and hold.