Muling haharap ang mga motorista sa panibagong pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, partikular sa diesel, sa susunod na Linggo dulot pa rin ng epekto ng digmaan sa Middle East.
Batay sa pagtataya ng Mean of Platts Singapore (MOPS) trading sa nakalipas na apat na araw, posibleng madagdagan ng P11 hanggang P12 kada litro ang presyo ng diesel. Dahil dito, maaaring pumalo sa pagitan ng P118 hanggang P146.3 kada litro ang diesel sa mga gasolinahan
Sa kasalukuyang linggo mula Marso 24 hanggang 30, nasa P107 hanggang P134.30 kada litro ang diesel matapos ang ipinatupad na P15 hanggang P18 na dagdag-presyo.
Para naman sa premium diesel, tinatayang aabot ito sa P125 hanggang P156 kada litro mula sa kasalukuyang P115 hanggang P144 kada litro.
Samantala, inaasahang maaaring manatiling walang pagbabago o tumaas ng hanggang P3 kada litro ang presyo ng gasolina, na maaaring magdala rito sa hanggang P115.4 kada litro.
Nauna nang tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sapat ang suplay ng krudo ng bansa hanggang Hunyo 30, 2026. Ayon sa Pangulo, patuloy ang paghahanap ng pamahalaan ng karagdagang mapagkukunan ng langis upang matiyak ang sapat na suplay sa gitna ng pagtaas ng presyo sa pandaigdigang merkado.
Matatandaang idineklara rin ng Pangulo ang state of national energy emergency noong Marso 24 bunsod ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.














