Photo © web

Kinumpirma ng Department of Energy (DOE) na magpapatupad ang mga kumpanya ng langis ng malaking rollback sa presyo ng diesel na aabot sa ₱20 kada litro ngayong linggo, ayon kay Energy Secretary Sharon Garin.

Ayon kay Garin, nakipagpulong siya sa mga lokal na oil companies nitong Linggo upang kumpirmahin ang naturang price rollback na batay umano sa galaw ng international oil market.

“It’s based on calculation, very mathematical. Kinukuha namin ‘yung trading data sa international market tapos ina-average siya,” ani Garin sa panayam sa DZMM.

Dagdag niya, magsisimula ang implementasyon ng rollback sa Martes.

Advertisement

Bukod sa diesel, bababa rin ang presyo ng gasolina ng ₱4.23 kada litro habang ang kerosene ay may rollback na ₱8.50 kada litro.

Ayon sa DOE, ang pagbaba ng presyo ay bunsod ng paggalaw ng global oil market matapos ang mga pagbabago sa supply at demand sa international trading.

Samantala, sinabi ni Garin na patuloy na pinag-aaralan ng pamahalaan ang mga short, midterm, at long-term solutions sa patuloy na energy concerns sa bansa, kabilang ang pagpapalawak ng renewable energy at pagdaragdag ng fuel stockpiles.

“We try to work with [Department of Transportation] kung paano ba hindi tayo very dependent on diesel,” ani Garin.

Binigyang-diin din niya na mahalagang bawasan ang pagdepende ng bansa sa fossil fuel upang maging mas matatag sa mga biglaang pagtaas ng presyo sa pandaigdigang merkado.

Advertisement