Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang panawagan para sa mas mahigpit na mga hakbang laban sa fake news at online disinformation, kasabay ng patuloy na pagpapalakas ng monitoring sa cyberspace at regulasyon sa social media.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., bagama’t may umiiral nang mga patakaran ang mga social media platform gaya ng Facebook, hindi pa ito sapat upang masugpo ang mabilis na pagkalat ng maling impormasyon.
Ang pahayag ay kaugnay ng inisyatiba ng Presidential Communications Office (PCO) at Department of Information and Communications Technology (DICT), na nagpadala ng liham sa Meta Platforms Inc., parent company ng Facebook, upang palakasin ang polisiya laban sa pekeng balita at mapaminsalang content.
“The intervention of social media companies through tighter monitoring and stricter regulations is one big step to effectively address this problem. And we support the PCO and the DICT on this,” ani Nartatez.
Dagdag pa ng PNP chief, batay sa karanasan sa cybercrime cases, may ilang content creators na sadyang nagpapakalat ng maling impormasyon na inilalabas na parang lehitimong balita.
Binigyang-diin din niya na ang fake news ay maaaring magdulot ng kaguluhan at magpasiklab ng galit ng publiko.
Giit ni Nartatez, hindi ganap ang kalayaan sa pagsasalita.
“There is no absolute freedom of expression. It always comes with a responsibility anchored on the basic rule that one must not step on the rights of others,” aniya.
“And once this responsibility is ignored, the rule of law must be observed,” dagdag niya.
Hinihikayat naman ng PNP ang publiko na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon online, gayundin ang agarang pag-uulat at pagsasampa ng reklamo laban sa mga mapanlinlang na content.














