Photo © web

Inaasahang makakaranas ng ginhawa ang mga motorista sa susunod na linggo matapos lumabas ang pagtataya ng industriya ng langis na posibleng magkaroon ng rollback sa presyo ng gasolina at diesel, kasunod ng sunod-sunod na malalaking taas-presyo nitong mga nakaraang linggo dahil sa tensyon sa Middle East.

Batay sa resulta ng Mean of Platts Singapore (MOPS) trading sa nakalipas na apat na araw, tinatayang bababa ang presyo ng diesel ng ₱5.50 hanggang ₱6.50 kada litro, habang ang gasolina ay maaaring manatiling walang galaw o bumaba ng hanggang ₱1.00 kada litro, ayon sa isang oil industry source. Karaniwang ina-anunsyo ng mga kompanya ng langis ang opisyal na price adjustment tuwing Lunes at ipinatutupad ito kinabukasan.

Ang inaasahang rollback ay kasunod ng matitinding pagtaas noong Martes, Abril 7, kung saan tumaas ang gasolina ng ₱6.00 kada litro, diesel ng ₱19.80 kada litro, at kerosene ng ₱9.10 kada litro. Ito na ang ika-14 na paggalaw sa presyo ng petrolyo ngayong 2026, na nagresulta sa net increase na ₱54.20 kada litro para sa gasolina, ₱109.85 para sa diesel, at ₱8.20 para sa kerosene.

Ayon sa ulat, ang posibleng pagbaba ng presyo ay kaugnay ng dalawang linggong ceasefire na napagkasunduan ng United States at Iran. Pinangunahan ni Donald Trump ang pag-apruba sa kasunduan, na naglalayong pigilan ang paglala ng tensyon sa rehiyon.

Advertisement

Bahagi ng kasunduan ang pagpigil ng Iran sa anumang blockade sa suplay ng langis at gas na dumaraan sa Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta na dinaraanan ng tinatayang ikalimang bahagi ng pandaigdigang suplay ng langis. Ayon kay Iranian Foreign Minister Abbas Araqchi, ititigil ng kanilang bansa ang mga counterattack at titiyakin ang ligtas na pagdaan ng mga kargamento.

Samantala, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sasamantalahin ng Pilipinas ang dalawang linggong ceasefire upang makapag-imbak at makapag-secure ng mas maraming suplay ng petrolyo para sa bansa. Inanunsyo rin niya ang ₱10 kada litrong fuel subsidy para sa mga public utility vehicle (PUV) upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa mga driver at operator.

Advertisement