Malaking tulong sa mga tricycle driver ang ipinatupad na P16.80 rollback sa presyo ng gasolina. Gayunman, nangangamba ang mga ito na pansamantala lamang ang pagbaba ng presyo ngayong nakatakdang ganapin sa Pilipinas ang ASEAN Summit at posibleng muling tumaas ang presyo ng produktong petrolyo pagkatapos ng pagtitipon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Larry Oliquino, presidente ng CENTODA, sinabi nitong posibleng pansamantala lamang ang rollback dahil sa inaasahang pagdating ng mga dayuhang bisita sa bansa.

Ayon sa kaniya, inaasahan nilang muling tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo matapos ang summit.

Dagdag pa ni Oliquino, malaking tulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay ang rollback dahil bahagyang nabawasan ang kanilang gastusin sa gasolina. Para sa kaniya, sapat na ang kasalukuyang pagbaba ng presyo.

Advertisement

Gayunman, kung siya ang tatanungin, mas mainam kung mananatili sa humigit-kumulang P70 kada litro ang presyo ng gasolina dahil labis nang naaapektuhan ng mataas na presyo nito ang kanilang kabuhayan.

Ibinahagi rin niya na umaabot sa P450 ang kaniyang nagagastos sa gasolina sa isang araw ng pamamasada.

Kaugnay nito, nanawagan si Oliquino sa pamahalaan na suportahan ang pagpapanatili ng mas abot-kayang presyo ng gasolina at umaasang maibabalik o mapananatili ito sa P70 kada litro upang maibsan ang hirap na nararanasan ng mga tricycle at jeepney driver.

Advertisement