Nanawagan si SSS-GSIS Pensyonado Party-list Rep. Rolando Ledesma Macasaet na agad ilabas ang “Easter Emergency Bonus” upang matulungan ang mga pensioner sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, pagkain, at medisina.
Ayon sa mambabatas, kabilang ang mga pensioner sa pinakaapektadong sektor kaya kinakailangan ang agarang tulong pinansyal. Binigyang-diin niya na sa gitna ng tumataas na gastusin, mahalaga ang mabilisang ayuda upang matugunan ang pangangailangan ng mga retirado.
Iminungkahi ni Macasaet na kunin ang pondo mula sa umiiral na benepisyo tulad ng 13th-month pension ng Social Security System at Christmas cash gift ng Government Service Insurance System upang agad itong maipamahagi nang hindi nangangailangan ng karagdagang pondo.
Tiniyak din niya na hindi maaapektuhan ang katatagan ng pondo ng dalawang ahensya, batay sa kaniyang karanasan bilang dating pinuno ng mga ito.
Dagdag pa ng kongresista, hindi na umano kailangan ng aksyon mula sa Malacañang o Kongreso dahil may kapangyarihan na ang mga board ng SSS at GSIS na aprubahan at agad na ilabas ang naturang benepisyo.














