NAGA CITY – Patay ang isang mangingisda matapos na pagtatagain sa San Francisco, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Serafin Buskas, 30-anyos residente ng Barangay Don Juan Vercelos sa nasabing lalawigan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nagsisigaw pa umano ang biktima sa labas ng kanilang bahay na naging dahilan para lapitan ito ng suspek na kinilalang si Maximino Monato, 53-anyos residente ng Barangay San Salvador Baras, Rizal.

Kung saan, nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo ang dalawa na naging dahilan para kumuha ng itak ang suspek at bigla na lamang umano nitong pinagtataga ang bikitma.

Dahil dito, nagtamo ng tama sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan si Buskas na agad namang dinala sa ospital para sa asistensiya medikal.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang nasabing suspek habang inihahanda na ang kasong isasampa laban dito.