Umani ng pambabatikos mula sa netizens si Sagip party-list Rep. Paolo Marcoleta matapos mag-viral ang kanyang maling pagbanggit ng linya mula sa pelikula sa gitna ng pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa kanyang manifestation, ginamit ni Marcoleta ang linyang “I deserve an explanation, I deserve an acceptable reason” habang hinihimok ang komite na buksan ang kahon mula sa Bureau of Internal Revenue na naglalaman umano ng tax records ng Bise Presidente.
Gayunman, agad siyang kinorek ni Perci Cendaña, na nagsabing mali ang pinanggalingan ng naturang linya.
Ayon kay Cendaña, ang quote ay hindi mula sa karakter ni Popoy sa pelikulang One More Chance, kundi mula sa karakter ni Piolo Pascual sa pelikulang Starting Over Again.
Nagbiro pa si Cendaña na sana ay hindi mauwi sa “starting over again” ang deliberasyon ng komite hinggil sa impeachment hearing.
Kasunod nito, bumaha ng reaksyon mula sa mga netizen, kung saan ilan ay nagbiro at pumuna sa pagkakamali ng kongresista. May mga nagsabing tila “pirated” umano ang napanood nito, habang ang iba naman ay diretsahang tinuligsa ang kanyang pahayag.
Nagbigay rin ng reaksyon ang talent manager at komedyanteng si Ogie Diaz, na itinuwid ang maling pagkaka-attribute ng linya at pabirong kinuwestiyon ang pahayag ni Marcoleta.
Sa kabila ng batikos, may ilang netizen ding dumepensa kay Marcoleta, iginiit na mas mahalaga ang konteksto ng kanyang nais iparating kaysa sa eksaktong pinagmulan ng kanyang ginamit na linya.












