Nakipagpulong si Ferdinand Marcos Jr. sa Ambassador ng France at sa Chargé d’Affaires ng Embahada ng Czech Republic upang talakayin ang kontrobersyal na kaso ni Zaldy Co, na nahaharap sa mga kasong kriminal sa Pilipinas.

Sa pulong, ipinahayag ng Pangulo ang kanyang pagkadismaya matapos mapabalitang nananatiling malaya si Co sa Europa, sa kabila ng aktibong pagsisikap ng pamahalaang Pilipino upang maibalik ito sa bansa. Humiling din siya ng karagdagang paliwanag mula sa mga kinatawan ng dalawang bansa hinggil sa mga pangyayari na nagresulta sa pagpapalaya kay Co mula sa kustodiya ng mga awtoridad sa Czech Republic.

Ayon sa Pangulo, bagamat may mga hamon sa legal na proseso, nananatili ang kanyang kumpiyansa sa matibay na ugnayan ng Pilipinas sa France at Czech Republic, na aniya’y nakabatay sa mga pinagsasaluhang prinsipyo tulad ng paggalang sa rule of law.

Umaasa si Marcos na higit pang mapapalakas ang kooperasyon sa pagitan ng mga bansa sa larangan ng pulisya, batas, at hudikatura upang mapabilis ang proseso ng extradition at tuluyang maibalik si Co sa Pilipinas upang harapin ang hustisya.

Advertisement

Matatandaang noong nakaraang taon ay iniulat na naaresto si Co sa Czech Republic, ngunit kalaunan ay pinalaya rin ng mga awtoridad doon. Nagsumite na ang pamahalaan ng extradition request, subalit nananatiling hamon ang mga legal na teknikalidad at requirements sa mga hurisdiksyon sa Europa.

Ang naturang pagpupulong ay bahagi ng mas malawak na diplomatic efforts ng administrasyon upang paigtingin ang international cooperation laban sa mga indibidwal na tumatakas sa batas.

Advertisement