Pinayagan ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang isang barko na bumiyahe sa rutang Batangas–Calapan upang matugunan ang kakulangan ng sasakyang pandagat at maiwasan ang pagsisiksikan ng mga pasahero ngayong panahon ng Holy Week.
Sa inilabas na pahayag noong Abril 2, sinabi ng MARINA na binigyan nito ng special permit ang M/V Starlite Saga noong Abril 1, 2026 upang pansamantalang mag-operate sa rutang Batangas–Calapan at pabalik.
Layunin ng hakbang na matiyak ang tuloy-tuloy na biyahe ng mga pasahero at maiwasan ang matinding siksikan sa mga pangunahing pantalan, lalo na sa kasagsagan ng peak travel period.
Ayon sa MARINA, kinakailangan ang karagdagang sasakyang pandagat matapos suspendihin ang operasyon ng mga barko ng OceanJet na dati ring nagseserbisyo sa nasabing ruta.
Ang M/V Starlite Saga ay may kapasidad na magsakay ng hanggang 300 pasahero.
Samantala, patuloy na mino-monitor ng MARINA ang operasyon ng mga barko upang matiyak ang kaligtasan, episyente, at maaasahang serbisyo sa transportasyong pandagat.
Nauna nang iniulat ng Philippine Ports Authority (PPA) na umabot na sa mahigit kalahating milyong pasahero ang naitala sa mga pantalan sa buong bansa mula noong Linggo ng Palaspas.
Kabilang sa mga binabantayang pantalan ang Batangas Port, Calapan Port, at mga pantalan sa Panay-Guimaras at Iloilo, bilang bahagi ng paghahanda sa dagsa ng mga biyahero ngayong Semana Santa.














