Tila hindi na nakatiis ang drag artist at TV personality na si Marina Summers sa sunod-sunod na pambabatikos at hate messages na natanggap niya matapos mag-host sa Miss Universe Philippines 2026.

Sa isang pahayag, sinabi ni Marina na isang malaking milestone sa kanyang karera ang pagiging host ng pageant, ngunit inaasahan na rin niya ang iba’t ibang reaksyon at posibleng pagtutol mula sa publiko.

Kasunod ito ng naging pahayag ng kapwa drag artist at trans woman na si Angel Galang, na naging kritikal sa kanyang performance. Dahil dito, si Angel ay nakatanggap din ng pambabatikos mula sa ilang netizens.

Ayon kay Marina, bagama’t nasaktan siya sa naging pahayag ni Angel, hindi niya kinukunsinti ang anumang uri ng paninira, poot, at harassment laban dito. Giit niya, hindi dapat ginagamit ang anumang isyu bilang dahilan para siraan ang kapwa.

Advertisement

Ibinahagi rin ni Marina na nakatanggap siya ng mga transphobic remarks, hate speech, at maging mga banta sa buhay kasunod ng kontrobersiya, na aniya ay hindi dapat palampasin dahil hindi ito sumasalamin sa layunin ng LGBTQ+ community.

Nilinaw din niya na naayos na nila ni Angel ang kanilang hindi pagkakaunawaan matapos ang pribadong pag-uusap, at hiniling niya sa publiko na bigyan ito ng espasyo at pag-unawa.

Nagpasalamat si Marina sa patuloy na suporta ng kanyang mga tagahanga at nanawagan ng higit na respeto, kabutihan, at pag-unawa sa isa’t isa.

Advertisement