Handa nang tumestigo sa kauna-unahang pagkakataon si Mary Jane Veloso laban sa dalawa niyang inireklamong illegal recruiters, ayon sa kanyang abogado na si Atty. Edre Olalia.
Ayon kay Atty. Edre Olalia ng National Union of People’s Lawyers, nagsagawa na ng case conference sa Department of Justice bilang paghahanda sa nalalapit na testimonya ni Mary Jane Veloso sa Mandaluyong Regional Trial Court.
Si Veloso ang complainant sa kasong qualified human trafficking, estafa, at illegal recruitment laban kina Ma. Cristina Sergio at Julius Lacanilao.
Nauna nang hinatulan noong 2020 ng Nueva Ecija Regional Trial Court ang mag-asawa ng life imprisonment at multang P2 milyon dahil sa large-scale illegal recruitment, batay sa reklamo ng iba pang biktima.
Inilipat ng Supreme Court of the Philippines ang kaso sa Mandaluyong Regional Trial Court noong Disyembre, na naging dahilan ng pagkaantala ng paglilitis.
Sa kasalukuyan, si Mary Jane Veloso ang natitirang pangunahing testigo ng prosekusyon sa kaso.
Kaugnay nito, nanawagan si Atty. Edre Olalia sa pamahalaan na bigyan ng absolute clemency si Mary Jane Veloso, na kasalukuyang nakakulong sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.
Umaasa rin ang kampo ni Veloso na ang kanyang posibleng kalayaan ay magsisilbing “pinakamagandang regalo” sa darating na Araw ng mga Ina.
Matatandaang naaresto si Mary Jane Veloso noong 2010 sa Indonesia dahil sa tangkang pagpasok ng 2.6 kilo ng heroin. Siya ay nasentensiyahan ng kamatayan ngunit nabigyan ng reprieve noong 2015 at kalaunan ay naibalik sa Pilipinas noong Disyembre 2024.













