Nagbabala ang Department of Energy na posibleng ipatupad ang malaking pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo dahil sa pagmahal ng crude oil sa pandaigdigang merkado.
Ayon sa DOE, maaaring tumaas ang presyo ng gasolina ng P11 hanggang P13 kada litro, habang ang diesel ay posibleng madagdagan ng P22 hanggang P24 kada litro. Inaasahan namang tataas ang kerosene ng P33 hanggang P36 kada litro.
Sinabi ng ahensya na dulot ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng crude oil sa world market, na pinalala ng tensyon sa Middle East at pangamba sa supply chain.
Malaki ang magiging epekto nito sa sektor ng transportasyon, lalo na sa mga jeepney at bus operator, pati sa mga kabahayan na gumagamit ng kerosene. Patuloy namang mino-monitor ng DOE ang galaw ng presyo bago ang opisyal na anunsyo sa Martes.














