Photo©web

Nananawagan si dating Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Winston Ginez ng mas angkop at updated na polisiya para sa transport network vehicle service (TNVS) at motorcycle taxi sectors, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at hirap sa gastusin ng mga tsuper.

Ayon kay Ginez, may maling pagkakaunawa sa umiiral na regulatory system na nagdudulot ng kalituhan at posibleng negatibong epekto sa mga lehitimong driver na umaasa sa kita mula sa pampublikong transportasyon.

Ipinaliwanag niya na sa ilalim ng patakaran ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang Certificate of Public Convenience (CPC) ay nakatali sa sasakyan at operator, at hindi sa iisang driver lamang. Dahil dito, maaaring magpalitan ng driver sa iisang sasakyan, katulad ng sistema sa jeepney at bus.

“Mas kumplikado ang sitwasyon kaysa sa lumalabas sa balita. Kung mali ang impormasyon, walang makikinabang, pati driver at pasahero,” ani Ginez.

Advertisement

Giit pa niya, ang hindi pagtugma ng bilang ng drivers at CPC o provisional authority ay hindi nangangahulugang may irregularidad, kundi bunga lamang ng magkaibang paraan ng pagre-record ng datos—per sasakyan at operator, hindi per driver.

Tungkol naman sa tinatawag na “tempo” drivers na may pending na aplikasyon, sinabi ni Ginez na hindi sila dapat ituring na ilegal dahil bahagi pa rin sila ng proseso. Aniya, dapat pabilisin ng gobyerno ang pagproseso ng CPC at provisional authority upang hindi maantala ang kita ng mga driver.

Sa usapin ng motorcycle taxi, iginiit niya na kailangang iakma ang regulasyon sa kasalukuyang digital gig economy kung saan maraming rider-partners ang sabay na kumukuha ng passenger at delivery services.

Iminungkahi rin niya ang pagrerebisa sa kasalukuyang cap sa bilang ng motorcycle taxis upang mas tumugma sa demand at mapabuti ang serbisyo at oportunidad sa kita ng riders.

Bilang rekomendasyon, binigyang-diin ni Ginez ang apat na hakbang: paglilinaw sa data protocols, pagpapabilis ng CPC at provisional authority processing, pagrepaso sa motorcycle taxi cap, at pag-update ng mga polisiya para sa modernong transport system.

Advertisement