Nilinaw ni Naga City Mayor Leni Robredo nahindi niya nirekomenda si City Administrator Atty. Noreen San Luis bilang bagong pinuno ng Land Transportation Office (LTO), kasabay ng pagtalakay sa magiging epekto nito sa operasyon ng lokal na pamahalaan sakaling matuloy ang naturang oportunidad.
Sa pagharap sa mga Kagawad ng Media ni Naga City Mayor Leni Robredo, sinabi nito na malaki ang naging papel ni San Luis sa lungsod, partikular sa mga usaping may kinalaman sa mga vendors, traffic management, at mga obstruction. Aniya, malaking tulong ang abogado sa pagharap at paglutas sa mga problemang kinakaharap ng lungsod sa mga naturang sektor.
Aminado rin ang alkalde na magiging malaking kawalan sa kanilang administrasyon sakaling umalis si San Luis, dahil bahagi na ng kanyang trabaho at sistema ang mga kaalaman at karanasang naibahagi nito sa pamahalaang lungsod.
Gayunman, binigyang-diin ni Robredo na naihanda at na-train na rin ang mga kawani upang maipagpatuloy ang mga nasimulang programa at gawain. Dagdag pa niya, mahigit isang taon na ring naipagpapatuloy ng lungsod ang operasyon nito sa kabila ng mga pagbabago sa posisyon ng City Administrator.
Sa usapin naman ng traffic management, kinilala ni Robredo ang mga pagbabagong naidulot ng pagtatrabaho ni San Luis, bagama’t aminado siyang mayroon pa ring mga hamon, partikular sa consistency ng enforcement laban sa mga paglabag na may kinalaman sa trapiko at mga vendors.
Tiniyak din ng alkalde na may mga taong maaaring magpatuloy sa mga responsibilidad na kasalukuyang hinahawakan ni San Luis. Ipinaliwanag niyang magkakahiwalay ang tungkulin nina Rian at Dave Bergas sa loob ng Mayor’s Office.
Si Rian ang nakatutok sa day-to-day operations, habang si Dave Bergas naman ang point person sa governance-related concerns, kabilang ang mga usaping may kinalaman sa budget at koordinasyon sa iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan.
Samantala, sinabi ni Robredo na case-to-case basis ang magiging konsiderasyon kung magkakaroon ng pagbabago sa kanilang organisasyon sakaling magkaroon ng bagong oportunidad para kay San Luis.
Sa kabila nito, kinilala ng alkalde ang naging kontribusyon ni San Luis sa lungsod at nagpahayag ng suporta sa kanya sakaling matuloy ang posibleng pagkakatalaga.
Sa ngayon, wala pang kumpirmadong anunsyo tungkol sa naturang appointment o sa magiging kapalit ni San Luis bilang City Administrator.














