Inihayag ni Naga City Mayor Leni Robredo na hindi na siya tatakbo sa anumang national na posisyon sa 2028 elections, at mas pinipili niyang magpokus sa kanyang mga tungkulin bilang alkalde ng Naga City.

Sa kanyang pahayag, sinabi ng dating bise presidente na sigurado na siya sa kanyang desisyon na hindi na muling sasabak sa national politics.

Ayon kay Robredo, marami pang kailangang tapusin sa Naga City at mas nais niyang ituon ang oras at lakas dito kaysa sa mas malawak na posisyon sa pamahalaan.

Ipinunto rin niya na bagama’t may mga pagbabago at pag-unlad na sa lungsod, malayo pa sa pagiging ganap ang mga plano at programang nais niyang maisakatuparan.

Advertisement

Dagdag pa niya, maikli ang tatlong taong termino bilang alkalde para matapos ang lahat ng proyekto, dahil kailangan pa umanong harapin ang burukrasya at mga limitasyon sa kontrol ng lokal na pamahalaan.

Sinabi rin ni Robredo na malamang ay maghahangad pa siya ng panibagong termino bilang mayor ng Naga upang maipagpatuloy ang kanyang mga programa.

Bagama’t may mga panawagan na tumakbo siya muli sa national na posisyon, iginiit niyang nananatili ang kanyang pokus sa mga pangangailangan ng Naga City, kung saan siya nahalal bilang unang babaeng alkalde noong 2025.

Advertisement